Thursday, February 16, 2017

Krus Mo, Krus Ko



Ako’y  naanyayahan
Na yapak mo’y sundan
Buhay mo’y tularan
Upang tanging pangarap ay makamtan.

Ako’y tumugon
Sa iba’y hindi na lumingon
Aking panahon
Sayo na itinuon.

Ngunit hindi naging madali
Dahil sa bawat sandali
Hindi maikukubli
Atensyon ko sayo’y hinahati.

Madaming kaguluhan ang pumasok
Talagang ako’y sinubok
Apoy mong naglalagablab nais nilang matupok
Upang ipagtanto na ako’y marupok.

Ngunit ako’y hindi sumuko
Ipinaglaban ang aking pangako
Tanging sayo lang patutungo
Buong buhay iaalay sayo.

Krus mo’y napakabigat
Ngunit ito pa rin ay binubuhat
Kayat maraming nagugulat
Paano ko daw patuloy na naiaangat.

Hindi dahil sa aking kakayahan
Kundi ang iyong kapangyarihan
Ang tanging dahilan
Kung bakit patuloy kong nakakayanan.

Kaya sayo ako’y nagpapasalamat
Dahil pagmamahal mo’y aking agimat
Tinuturo sa akin kung ano ang nararapat
Ginagabayan akong sayo’y maging tapat.

At dalangin ko sana’y  magpatuloy
kahit kasing bigat pa ng malaking kahoy
Dahil ang pagpasan sa banal na krus mo’y
Aking paraan upang ang pinakakaasam na biyaya’y dumaloy.





Ng Dahil Sumuko



Hindi ko pinangarap na sayo’y matuto
Ngunit tadhana’y tayo’y pinagtagpo
Dahil ang taas ko daw ay nababagay sayo
Kaya’t sinubukan ko naman na ibigay ang aking todo.

Maraming taon ang ginugol sa pag-ensayo
Bago nakasabay sa kanilang laro
Hindi man kasing galing ng mga pulido
Lumaban pa rin at ayaw magpatalo.

Ngunit dumating ang punto na pag-asa’y naghingalo
Dahil ang ensayo’y hindi na naseryoso
At wala ng dumating na bagito
Kaya’t sa huli talagang naging dehado.

Akala ko’y hindi susuko
Ngunit nagpadala sa pagkabigo
Kaya ngayon hanggang dito na lang ako
Nagsisising hindi nagpursigido.

Tuesday, February 14, 2017

My Kind of Valentine Date 💓

Tinanong ko siya
Kung ano ang kanyang ginagawa
Sagot niya wala
At tinanong ko ulit siya
Paano ba gumawa ng wala?

Tinanong niya din ako
Kung anong ginagawa ko
Wala din ang sinagot ko
Kaya tinanong niya ulit ako
Paano ba gumawa ng wala?

Paano nga ba gumawa ng wala?
Maaring bang gumawa ng wala?
Mayroon akong nabasa
Sinulat ni Bob Ong noon pa
Ngunit di ko na maalala.

Sa aking pag-iisip kanina
Dahil wala akong magawa
Aking napagtanto na dapat hindi ako mawalan ng ginagawa
Dahil maraming kailangan gawin pa
Maraaming pwedeng gawin pa.

Ako’y nagbasabasa
Naalala ko ang aking nakita
Kaya binalikan ko ang profile ni Princess Calacala
Ako’y namangha sa kanyang mga katha
Sabi ko sa sarili ko gagawa nga rin ako ng tula.

Maraming bumalik na ala-ala
Lahat gusto ko sanang ilathala
Upang aking maipakita
Karanasan ko pala’y kay saya
Pero yung iba may halong lungkot din pala.

Hindi ko namalayan kung anong oras na
Pagkatapos kong makagawa
Ng mga tulang di ko inakala
Na magagawa ko pala
Ewan ko lang kung may saysay ba para sa mga nakakabasa.

May saysay man o wala
Para sa akin ang mahalaga
Sa aking blogspot naipinta
Ang dinaramdam ng puso kong aba
Matagal ng gustong kumawala.

Ngayon ay Valentine’s Day pala
Kaya pala kahapon pa
Maraming nagtatanong kung sino ang ka-date ko daw ba
At maraming bumati sa akin kanina
Atsaka nila kinumusta kung and date ko’y masaya ba.

Para sa mga nagtanong kahapon pa
At para sa mga magtatanong pa
Ito ang ka-date ko pala
Ang paglathala ng aking nadarama
Sa pamamagitan ng TULA.

Hindi ko naman inaasam na ako’y maging isang makata
Ngunit ikaw na ang bahalang humusga
Kung karapat-dapat bang tawaging tula
Ang aking mga nagawa
Hanggang dito nalang muna, paalam na.





Monday, February 13, 2017

Puso Ko'y Di Mo Binigo

Sabi nila, ikaw ay malayo
Pati magulang ko
Nangangamba sayo ako tutungo
Ngunit hindi ako sumuko.

Hindi naman ako takot
Ngunit diwa mo’y hindi ko pa abot
Kaya’t panaho’y pinaikot
Upang ika’y di malimot.

Mga puno at bundok ay kay gandang pagmasdan
Pakiramdam ko tuloy ay napakagaan
Habang tinatahak ang daan
Patungo sa iyong tahanan.

Nang ako’y nakarating
Wala na akong mahiling
Alam kong sa iyong piling
Mundo ko’y magniningning.

Hindi ko inakala
Kaayusan at katahimikan nandito pa
Magagalang na bata
Lagi kong nakikita.

Ako’y nabigyan ng pagkakataon
Na sila’y mabigyan ko ng panahon
Upang maibahagi ang aking solusyon
Para sila’y sumulong at umahon.

Noong malapit ng matapos
Luha ko’y muntik ng bumuhos
Dahil ayaw ko pa sanang maubos
Ang kasiyahan kong lubos.

Hindi na sana magpapaawat
Ngunit hindi pwedeng sumalungat
Kailangan sundin kung ano ang nararapat
Bilang pagpapakita kung paano maging tapat.

Ngayon at ako’y nakalayo
Kailanman ay hindi maglalaho
Ang mga aral na aking napagtanto
At mga ala-alang ating isinapuso.




Ikaw Pa Rin?

Luha'y patuloy na pumapatak
Dahil ikaw sana'y hawak-hawak
Ngunit ang pangako mo'y nawasak
At ang puso ko'y iyong biniyak

Sinisikap na matuto
Sa pangyayaring tila delubyo
Para hindi na muling magkaganito
Ngunit pag-asa'y naglalaho

Dahil ang simoy ng hangin
Kay lamig pa rin
Kaya kahit pilit limutin
Bumabalik pa rin ang damdamin

Lungkot na nadarama
Sayong pagkawala
Hindi kumakalma
Dahil nais pa rin na makapiling ka